There were 1,148 press releases posted in the last 24 hours and 405,325 in the last 365 days.

Padilla: SRP sponsorship speech Committee Report 311 (Amendments to MTRCB charter)

PHILIPPINES, September 3 - Press Release
September 3, 2024

Padilla: SRP sponsorship speech Committee Report 311 (Amendments to MTRCB charter)

Video: https://www.youtube.com/watch?v=VJP9CM4EGGI

Ginoong Pangulo, sa mga kagalang-galang na miyembro ng lupon na ito, ang narinig po natin, na nawa ay pumukaw na rin sa atensyon ng nasa bulwagang ito, ay ang anunsyo ng MTRCB na naririnig natin sa bago magsimula ang palabas sa ating mga telebisyon. Simpleng anunsyo pero ito po ang nagtatakda ng linya sa pagitan ng pagkaka-expose ng ating mga kabataan sa mga sensitibong palabas at programa.

Ginoong Tagapangulo, isang karangalan po para sa inyong lingkod ang tumindig sa pulpito ngayong hapon upang ihain sa plenaryo ang ulat Komite ng Pampublikong Impormasyon at Mass Media - ang Committee Report No. 311 - patungkol sa mga panukalang susog sa charter ng Movie and Television Review and Classification Board.

Ang ulat na ito po ay base po sa mga panukalang batas para sa pag-amyenda ng MTRCB charter na inihain ng dating Tagapangulo ng ahensya, ang kagalang-galang na Senadora, na dati na ring umupo bilang Pinuno ng MTRCB, Grace Poe (Senate Bill No. 965), ni Senador Win Gatchalian (Senate Bill No. 1063), Senador Francis Tolentino (Senate Bill No. 1178), Senador Lito Lapid (Senate Bill No. 2195), at ng inyo pong lingkod (Senate Bill No. 1940).

Ginoong Pangulo, tatlumpo't-walong taon na po - ganito na po ang edad ng umiiral na patnubay ng ahensya na nangangasiwa sa klasipikasyon at pagsusuri ng mga programa sa telebisyon at pelikula. Sa loob ng panahong ito, hindi na natin mabilaang ang napakaraming pagsulong sa larangan ng technology. Yung pagkabigat-bigat pong TV, nasa bulsa na lamang natin ngayon. Nasa mga cell phone na lang yan ngayon. Kung noon ay kailangan pang bumiyahe ng pagkalayo-layo, makapanood lamang ng sine, ngayon po hindi na - uupo ka na lamang kahit nasaan ka man, mapapanood mo na ang mga gusto mong pelikula. Ang imposible at pangarap noong 1986 ay posible na ngayon. Ang mga imahinasyon ng sangkatauhan noon, isa nang reyalidad ngayon.

Pagkadami-dami na po ng nagbago ngunit ang charter ng MTRCB, napaglipasan na po ng panahon. Dahil po dito, pinagtuunan po ng ating komite ang mga nakabinbing mga panukala tungkol sa pag-aamyenda ng Presidential Decree No. 1986 upang maiangkop naman po natin ang kapangyarihan ng MTRCB sang-ayon sa mga kontemporaryong hamon na ating kinakaharap natin sa kasalukuyan.

Ginoong Tagapangulo, bagamat iminumungkahi rin po ng Senate Bill No. 1063 ang pagsasama ng regulasyon ng mga online video games sa ilalim ng mandato ng MTRCB, mariin pong sinabi ng ahensya na naniniwala silang may iba pang sangay ng gobyerno ang mas may teknikal na kapasidad upang hawakan ang mga online video games.

Sa puntong ito, nais ko pong ihain ang mga panukalang susog sa pagpapaigting at pagpapalawak ng kapangyarihan ng MTRCB batay po sa ginawa nating mga pagdinig at konsultasyon sa mga ahensya ng pamahalaan, mga representante ng industriya ng pelikula at telebisyon, pribadong sektor, at iba pang stakeholders.

Una po, at siya ring pinakabago sa ating panukala ay ang pagsasailalim ng mga on-demand online streaming services sa saklaw ng ahensya. Kabilang po dito ang mga pangkaraniwan ng mga streaming sites tulad ng Netflix, Amazon Prime, Disney+, Vivamax, at iWantTV.

Pinili po nating ilatag nang maayos ang depinisyon ng on-demand online streaming services at online curated content service upang maging gabay sa interpretasyon ng batas.

Ngayon pa lamang po ay binibigyan natin ng diin, sapagkat isa rin po ito sa labis na nilinaw ng kasalukuyang pinuno ng MTRCB, na si Chairperson Lala Sotto na hindi po nangangahulugan sa dagdag na saklaw na ito na literal na irereview nila lahat ng pelikula sapagkat ito po ay 'humanly impossible'. Hindi po magaganap. Kalokohan. Mahirap gawin.

Tinanggap naman po natin ang ibinahagi siyempre ng isang batikang direktor na mayroong limang-daan o 500 hours na content sa YouTube ang ina-upload bawat minuto. Ang nais po lamang ng MTRCB ay magkaroon lamang ng legal na kakayahan sa pagmonitor at post-review sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga concerns at complaints ng mga manonood.

Ang totoo po, ang paksang ito ay isa sa pinakamatagal po nating tinalakay sapagkat pinag-aralan pa rin po natin ang anggulo ng self-regulation siyempre pagdating po sa mga online streaming providers.

Gayunpaman, mahalaga po ito, hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang datos mula sa Council for the Welfare of the Children base na rin sa ulat ng UNICEF na isa sa tatlong bata na edad mula 0 hanggang 18 anyos ay gumagamit na ng internet. Ayon din po sa National ICT Household Survey, halos 60% ng mga batang edad 10 hanggang 17 ay may access at gumagamit ng internet. Diyan sa internet di na natin ma control ang pagpapanood niyan, pati ang sugal.

Hindi ko na po siguro kailangang isa-isahin ang panganib na kinakaharap ng ating mga kabataan, na musmos pa ang kaisipan, bunsod ng exposure sa internet.

Wala naman po sigurong hindi sumasang-ayon sa ideya na, sa patuloy na ebolusyon ng digitalisasyon, nararapat lamang na ating paigtigin ang pangangalaga sa ating mga kabataan.

Ginoong Tagapangulo, ninanais na rin po nating magkaroon ng mandato ang MTRCB upang aprubahan o hindi aprubahan ang mga materyales, digital man o hindi, na maaaring manghikayat sa paggawa ng karahasan o krimen na makakaapekto sa ating kaayusan ng publiko (public order) at kalusugan ng mamamayan (public health). Kabilang na rin po dito ang mga palabas na nagpapakalat ng poot at pagkamuhi na maaaring magdulot ng incitement sa diskiriminasyon, hostility, karahasan, negatibong stereotyping, at prejudice laban sa mga Pilipino, mga katutubong grupo, at mga relihiyosong pangkat sa loob o labas ng bansa.

Sa panukalang ito, ginagawa na rin po nating institusyunal ang kapangyarihan ng Board na hilingin ang pakikipagtulungan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC) at iba pang mga ahensya ng pamalaan sa pagpapatupad sa mga desisyon at utos nito.

Isa rin po sa mga pinalinaw na probisyon ay ang paggawad ng quasi-judicial function sa Board upang dinggin at magpasiya sa mga paglabag sa batas, gayudin ang pagpataw ng mga administrative sanction. Ilan po dito ang: pagpataw ng fines o fees, suspensyon o non-renewal ng mga lisensya o permit to operate, pagkumpiska sa mga objectionable material na inilabas ng walang pahintulot. Ito ang pinatanggal, ang materyales na di pwedeng maipalabas.

Ginoong Tagapangulo, nais po naming bigyan ng diin: maliban po sa pag-block sa mga streaming services na kabilang sa mga administrative sanctions na nakalista sa panukalang ito, nais po naming ihain sa opisyal na rekord, na ang paggawad ng mga administratibong kaparusahan ay sadyang ipinatutupad po ng MTRCB.

Bagamat mukhang bago ang pagpapasok ng probisyong ito, ang totoo po - inilatag lamang natin sa batas ang matagal na rin nilang ipinatutupad sa bisa ng MTRCB 1999 Rules of Procedure at 2004 Implementing Rules and Regulations. Isinasabatas lang po natin.

Ang ilan rin po sa kapangyarihang ating iginawad sa Board ay ang pag-adopt ng taunang budget, at pagrerekomenda ng organisasyunal at administratibong istruktura at staffing pattern, na subject po sa approval ng Department of Budget and Management.

Ninanais din po nating bigyan sila ng layang makapagbigay ng scholarship at makapag-abot ng tulong o donasyon sa mga miyembro po ng industriya ng pelikula at telebisyon, at former at present members ng Board base po sa umiiral na regulasyon ng Commission on Audit.

Para naman po sa malinaw na implementasyon ng batas para po sa on-demand streaming services, makikita po ninyo sa Seksyon 5 ang magiging polisiya ng ahensya sa mga online streaming providers.

Kabilang po dito ang pagpaparehistro sa MTRCB, pagsigurong malinaw para sa mga manonood ang impormasyon tungkol sa palabas, at ratings na iginawad ng Board, pagsusumite ng listahan ng mga content na kabilang sa kanilang handog sa mga manonood, at ang paglalagay ng mekanismo upang makapagbigay ng feedback ang mga manonood tungkol sa pelikula o programa.

Ginoong Tagapangulo, dahil sa dagdag saklaw at kapangyarihan na ating ibinibigay sa ahensya, iminumungkahi rin po ng Komite ang pagtataas ng benepisyo ng mga opisyal ng MTRCB. Sa paraan pong ito ay maigagawad din natin ang karampatang sahod at benepisyo sa mga empleyado ng organisasyon.

Ang paglalatag po ng mga ipinagbabawal na gawain o prohibited acts ay hinango po natin sa nilalaman po ng bersyon ni Senadora Grace Poe - na tumatalima naman po sa mga kapangyarihan at mandatong ibinibigay natin sa MTRCB. Pinili na rin po nating ilatag ang mga kaparusahan sa mga kasong kriminal at administratibo sang-ayon sa sinasaad ng panukalang batas.

Sang-ayon din po sa bersyon ni Senadora Poe, sinasailalim po ng ulat na ito ang paglalagay ng probisyon tungkol sa tax exemption para lamang po sa mga buwis kung saan ang MTRCB ang direktang liable. Hangad po nating ma-exempt ang Board sa pagbabayad ng mga suplay, kagamitan, papel o dokumento, mula sa mga fees, charges, o customs import duty.

Pagdating naman po sa usapin ng pondo ng MTRCB, imbis na 'sinking fund', iminumungkahi po natin ang paggamit ng 'retained income fund', sang-ayon na rin po sa suhetiyon ng DBM mula sa ating technical working group.

Ginoong Tagapangulo, labis ang aking pasasalamat sa suporta ng lupon na ito upang maisulong ang panukalang amyenda sa PD 1986. May mangilan-ngilan na pong mga kasamahan natin ang nagpahayag ng kanilang mga katanungan at mga nais pang malinawan sa mga probisyon sa ating ulat ng komite. Malugod po nating tinatanggap ang mga paglilinaw na ito, na ating sasagutin sa tamang panahon, upang mas lalo pa nating maisaayos at mapaigting ang charter po ng MTRCB.

Ginoong Tagapangulo, isa sa mga masinsin po nating pinag-usapan ay kung paano natin mapapalakas pa ng MTRCB. Siyempre po itong usapin ng fake news pa, ito ay isang bagay na dapat din nating seryosohin. Sa US pinaguusapan na ang kalabisan sa internet, sa social media. Dapat pong harapin na natin ito dito sa ating bansa at nabibiktima ang ating mga kabataan sobra nang nabibiktima. Lahat po yan ay dumadaan sa internet.

Kaya yun lamang po, walang alinlangan Ginoong Pangulo, napapanahon na upang maipasa natin ang pagpapaigting sa mga kapangyarihan ng Movie and Television Review and Classification Board. Maraming salamat po.

Legal Disclaimer:

EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.