TOL: Migration ng mga ibon, apektado ng "climate change," dapat pag-aralan para maiwasan ang "bird strikes" sa PH airports
December 30, 2024
TOL: Migration ng mga ibon, apektado ng "climate change," dapat pag-aralan para maiwasan ang "bird strikes" sa PH airports
Apektado ng climate change ang migration ng mga ibon na dumadaan sa bansa, at dapat itong masusing pag-aralan ng mga awtoridad para maiwasan ang "bird strikes" sa ating mga paliparan, na maaaring magdulot ng malaking aksidente at pagkasawi ng mga buhay.
Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis TOL Tolentino sa kanyang regular na programang Usapang TOL ngayong umaga.
Sa panayam kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, ibinihagi nito na patuloy na pinag-aaralan ng ahensya kung paano maiiwasan ang bird strikes sa mga eroplanong papalipad o lalapag sa bansa sa harap ng dumaraming populasyon ng migratory birds malapit sa ating mga paliparan.
"Dapat ma-monitor natin ang anumang pagbabago sa pattern at bilang ng migratory birds, lalo na't ilang kilometro lang ang layo ng Freedom Island sa Manila Bay, isang protected bird sanctuary, mula sa Ninoy Aquino International Airport," paalala ni Tolentino sa CAAP official.
Ang migratory birds, aniya, ay mula sa mas malalamig na rehiyon tulad ng Russia, China, at iba pang bansa sa Asya.
Samantala, ibinahagi ni Apolonio ang iba pang mga programang isinusulong ng ahensya para sa kaligtasan ng air travel sa bansa, kasama na ang night operation rating at pagpapalawak sa mga runway ng mga paliparan sa mga rehiyon. Ipinatutupad din ng CAAP ang mas mahigpit na mga regulasyon bunsod ng pagdami ng mga pasahero dahil sa holiday season.
Hindi isinasantabi ang bird strike bilang isa sa mga dahilan sa pag-crash ng isang Jeju Air Boeing 737-800 sa Muan International Airport sa South Korea, kung saan 179 pasahero at crew ang namatay noong Linggo.
Nangyari ang aksidente habang sinubukang lumapag ng Jeju Air Flight 2216 matapos mag-issue ng bird strike warning ang control tower, na sinundan naman ng pag-radio ng "mayday" ng piloto ng naturang eroplano.
Legal Disclaimer:
EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.
