There were 1,419 press releases posted in the last 24 hours and 405,502 in the last 365 days.

Imee Marcos: Huwag pipirmahan ang "very bad budget"!

PHILIPPINES, December 23 - Press Release
December 22, 2024

IMEE MARCOS: HUWAG PIPIRMAHAN ANG "VERY BAD BUDGET"!

Sa isang matapang na pahayag sa Kapihan sa Senado, mariing tinutulan ni Senadora Imee Marcos ang panukalang pambansang badyet para sa 2025, na tinawag niyang "very bad budget." Giit niya, mas mainam na pagbutihin ang nilalaman ng badyet kaysa ipilit ang pagpasa nito.

"Hindi na kailangang umabot pa sa re-enacted budget; may ilang araw pa tayo. Mas mabuting magtiis tayong lahat kaysa aprubahan ang badyet na ito. Wala namang bakasyon ang mahihirap. Kaya't huwag muna nating madaliin. Siguraduhin nating wasto at patas ang bawat sentimo," ani Marcos.

Binigyang-diin niya na ang pondo mula sa gobyerno ay magagamit sana ng PhilHealth pang-dialysis ng mahigit 60,000 pasyente ng National Kidney and Transplant Institute.

Kasama rin ang Department of Education sa pinagdamutan ng pondo para sa 2025. Dahil sa Php 11.570 bilyong bawas sa badyet ng DepEd, kabilang dito ang Php 10 bilyong ibinawas para sana sa computerization program, ay hindi na mabibigyan ng 200,000 laptop ang mga guro at mag-aaral.

Hindi rin nakaligtas ang Department of Agriculture (DA) sa malupit na pagbabawas sa badyet. Umabot sa Php 22.363 bilyon ang ibinawas, kabilang na ang Php 9.645 bilyon mula sa National Rice Program ng ahensya. Sa kabila ng patuloy na pagsirit ng presyo ng bigas, tanong ng senadora, "Paano natin maaabot ang target na Php 29 kada kilo ng bigas kung patuloy na pinapaliit ang pondo para sa agrikultura?"

Tila hindi pa natatapos ang pasanin, binawasan pa ng Php 50 bilyon ang pondo ng 4Ps para sa halos 4.4 milyong benepisyaryo. Dahil dito, posibleng hanggang Hunyo 2025 na lang ang sustentong makukuha ng mga pamilyang umaasa sa programang ito.

Dagdag pa niya, ang ilang bahagi ng badyet ay tila nagagamit bilang "vote-buying" ngayong papalapit ang eleksyon. "Masyadong halata! Imbes na iprayoridad ang edukasyon, kalusugan, at serbisyong panlipunan, mas pinapaboran ang mga hindi malinaw na proyekto," giit niya.

"Dapat repasuhin ang badyet. Hindi ito para sa interes ng iilan lamang, kundi para sa buong sambayanan," pagtatapos ni Senadora Marcos.

Legal Disclaimer:

EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.