There were 253 press releases posted in the last 24 hours and 404,204 in the last 365 days.

Padilla: SRP sponsorship speech Committee Report 312 (Equal Access to Public Cemeteries for Muslim Filipinos, Indigenous Peoples and Other Denominations)

PHILIPPINES, September 3 - Press Release
September 3, 2024

Padilla: SRP sponsorship speech Committee Report 312 (Equal Access to Public Cemeteries for Muslim Filipinos, Indigenous Peoples and Other Denominations)

Video: https://www.youtube.com/watch?v=PT2J3GhpN-Y

Mga kagalang-galang na miyembro ng lupon na ito, bilang Tagapangulo ng Komite ng Kultural na Pamayanan at Usaping Muslim, ikinalulugod ko pong iulat ang nilalaman ng Committee Report No. 312: "PROVIDING EQUAL ACCESS TO PUBLIC CEMETERIES FOR MUSLIM FILIPINOS, INDIGENOUS PEOPLES AND OTHER DENOMINATIONS". Ito po ay base sa Senate Bill No. 1273 na inihain po ng inyong abang lingkod.

Ginoong Tagapangulo, ang pagbibigay-galang po sa namayapa ay isang kaugaliang isinasagawa sa anumang dako at sulok ng mundo. Anuman pong rehiyon, salinlahi, kultura, o relihiyon, mayroong mga tradisyon at ritwal na masasabi nating sumasalamin po sa ating likas na pagiging mahabagin at makatao.

Bagamat ang paghahatid po sa labi ng yumao ay itinuturing na 'universal practice', batid at kinikilala po natin ang pagkakaiba naman sa pamamaraan po, depende po sa ating mga relihiyon at paniniwala. Tulad po sa mga kapatid na Kristiyano na alam naman ng marami sa atin - ang paglilibing sa labi ay ginagawa sa pamamagitan ng pagbabaon nito sa ilalim ng lupa. Isa rin po sa mga tinatanggap na kaugalian ay ang pagsunog ng bangkay o ang tinatawag na 'cremation'. Madalas ay ito po ang ating nasasaksihang pamamaraan sapagkat alam naman po natin na ang pananampalatayang Kristiyanismo ang bumubuo ng humigit-kumulang na 90% ng populasyon.

Ngunit lingid po sa kaalaman ng lahat, marami pa po rin ang mga gawi ng paglilibing sa ating bansa na sumasalamin pa rin sa mayaman at diverse na kultura sa ating Inang Bayan. Tulad na lamang po sa aming mga Muslim, kami po ay tapat na tumatalima sa Sunna o practice ng Prophet Mohammad - na nangangahulugang ang labi ng yumao ay ilalagay po sa libingan na nakaharap po sa Qibla o sa direksiyon kung saan ang mga Muslim po ay humaharap sa aming pagdarasal. Kaya sa libingan may direction yan, may sapat na ritwal.

Bukod pa rito, ayon sa Shari'a (Islamic Law), ang paglilibing ay dapat agarang maisagawa mula sa pagkamatay ng yumao. Dito sinasabi ang 24 hours. Malinaw na nakasaad po ito sa ritwal ng Islam.

Subalit, isa sa malungkot pong katotohanan, ay ang dinaranas ng mga Muslim medyo hirap talaga sa paghahanap ng espasyo upang agarang mailibing ang namayapa nilang mahal sa buhay. Nakakaranas din po madalas ng diskriminasyon ang ating mga kapatid sa mga pampublikong mga sementeryo.

Para po sa isang Muslim, napakabigat sa pakiramdam ang hindi agad mailibing ang labi ng yumao sapagkat taliwas ito sa aming paniniwala. Mahigpit ang 24 hours, kailangan mailibing agad dahil sa aming Muslim di ineembalsamo ang namatay. Ito pinaliliguan nilalagyan ng pabango at binabalot sa puti at agad dapat po mailibing.

Naibahagi nga po sa ating pagdinig na isinagawa ang nakakagalit na sinapit ng mga labi na nakalibing sa Muslim cemetery sa bahagi ng Quezon City at Montalban kung saan tinatayang 100 labi ang tinamaan at nahukay ng katabing quarrying company. Napakalaking kalapastanganan po nito, at tunay na hindi katanggap-tanggap.

Tulad po ng paniniwalang Islam, mayroon din pong mga tradisyon para sa yumao ang ating mga katutubo na ating pinahahalagahan.

Marami po sa ating mga katutubong pamayanan ay naniniwala na ang kanilang namayapa ay dapat ilagay sa libingan kung saan ang kanilang lupang ninuno o sa tabi po ng kanilang mga lupang tinitirahan.

Gayunpaman, marami po sa ating mga indigenous people (IPs) ang nakakaranas din po ng mga hamon sa karampatang pagganap sa kanilang tradisyon para sa mga yumao. Isa sa mga hamon po ay kung namumuhay na sila dito sa Kamaynilaan o ibang bahagi ng bansa, sapagkat nangangailangan pa pong i-transport ang mga labi sa kanilang mga probinsya - na alam naman nating may pinansyal na pangangailangan.

Kaya naman po ayon sa kinatawan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), magiging malaking pagkakataon para sa mga katutubong Pilipino na mabigyan ng espasyo sa mga public cemetery kahit hindi po sa kanilang lupang ninuno.

Bilang tugon po sa mga suliraning ito na hinaharap ng ating mga kababayan, inihain po ng inyong abang lingkod ang panukalang ating tinatalakay ngayon upang mabigyan ng access ang ating mga kapatid na Muslim, IPs, at iba pang denominasyon sa atin pong mga pampublikong sementeryo.

Ang hakbang na ito po ay alinsunod po sa nilalaman ng ating Saligang Batas na nagsasabing dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng paghahayag ng relihiyon at pagsamba nang walang pagtatanggi o pamimilit (Seksiyon 5, Artikulo 3).

Bukod pa rito, ang Konstitusyon po ay malinaw sa pagsambit sa Seksiyon 22, Artikulo 2 na kinikilala at itinataguyod ng Estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa loob ng balangkas ng pambansang pagkakaisa at pag-unlad.

Ayon po sa nilalaman ng ating panukala, ang mga pampublikong sementeryo ay dapat maglaan ng bahagi ng mga libingan para po sa mga Muslim na Pilipino, Katutubo, at iba pang mga denominasyon batay sa kani-kanilang mga kaugalian, paniniwala, at tradisyon. Ito ang inclusive na sinasabi.

Kung mayroong kakulangan sa espasyo sa mga pampublikong sementeryo, naglagay po tayo ng mga probisyon upang hindi naman mahirapan ang ating mga lokal na pamahalaan. Isa po sa mga improvement na dinala natin sa Committee Report na ito ay ang pakikipag-partner ng mga lokal na pamahalaan sa mga karatig na bayan o siyudad upang tumugon sa atas ng ating panukala.

Iminumungkahi din po natin ang pagbuo ng Public Cemetery Board sa mga highly urbanized cities, independent component cities, at mga probinsya upang magpasya ng paghahati ng mga pampublikong sementeryo sa loob ng kani-kanilang hurisdiksyon o teritoryo.

Ang pamamahala at pangangasiwa ng operasyon naman po ng mga pampublikong sementeryo, kabilang ang kinakailangan ng permiso sa paglilibing, ang karaniwang mga kinakailangan para sa mga libingan, at ang pamamaraan ng interment at paglilipat ng mga labi, ay iaatas po sa mga LGUs kung saan matatagpuan ang pampublikong sementeryo.

Pagdating naman po sa pondo, iminumungkahi po nating manggaling sa bahagi ng LGU sa pambansang buwis at iba pang local revenues at funding support mula sa nasyunal na pamahalaan, gayundin po mula sa mga Government-Owned and Controlled Corporations.

Ginoong Tagapangulo, inspirasyon po nating itinuturing ang nasimulan ng mga local leaders na nagbigay ng atensyon at aksyon upang tugunan ang pangangailangang ito.

Ilan na po rito ang mga lokal na pamahalaan ng Taguig, Quezon City, at Montalban, na nauna nang nagtayo ng mga Muslim cemeteries. Nariyan din po ang dating Bohol Governor Yap na naglaan po ng plano para makapagbigay ng tamang libingan para po sa mga Muslim. Narinig din po natin ang naratibo ng paninindigan ni dating Manila Mayor Isko Moreno upang siguruhing magkakaroon ng disente, malinis, at karapat-dapat na himlayan ang ating mga kapatid sa siyudad ng Maynila. Ang dating gobernador, ang ating SP, Chiz Escudero ng Sorsogon.

Ginoong Tagapangulo, sa huli't huli: ang amin pong salmo, nawa ay mabigyan ng pagkakataon ng mga miyembro ng lupon na ito upang maging ganap na batas ang panukala ng pantay pantay na access sa ating mga pampublikong sementeryo. Maraming salamat po.

Legal Disclaimer:

EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.