SIRM: Tuloy ang himala ng pelikulang Pilipino
December 23, 2024
SIRM: Tuloy ang himala ng pelikulang Pilipino
Habang papalapit ang Metro Manila Film Festival (MMFF), hinikayat ni Senadora Imee Marcos ang mga Pilipino na patuloy na magbigay ng suporta sa mga pelikulang kalahok at magsanib-puwersa sa pagpapalakas ng industriya ng pelikulang Pilipino. "Tangkilikin natin ang mga pelikula sa MMFF! Hindi lang ito para sa kasiyahan--ito ay isang pagkakataon para sa ating mga filmmaker na magpakitang-gilas at itampok ang galing ng Pilipino!" aniya.
Bilang tagapagtaguyod ng Philippine Creative Industries Development Act (RA 11904), buo ang loob ni Senadora Marcos sa pagpapalago ng mga creative industries, na layong magbigay ng trabaho, proteksyon sa mga manggagawa, at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga artista at creator sa bansa.
Isa pang hakbang na naglalayong palakasin ang creative industry ay ang paglulunsad ni Senadora Imee ng Young Creatives Challenge (YC2), kasama ang Department of Trade and Industry (DTI). Ang YC2 ay may pitong (7) kategorya: songwriting, screenwriting, playwriting, graphic novels, animation, game development, at online content creation. Ang mga mananalo ay magkakaroon ng pagkakataong magwagi ng tumataginting na isang milyong piso bilang grand prize.
Bilang dating Director General ng Experimental Cinema of the Philippines (ECP), ibinandera ni Senadora Marcos ang iconic na pelikulang Himala sa Pandesal Forum kamakailan. Inalala ng senadora ang obra ng mga national artist na sina Ishmael Bernal, Ricky Lee, at Nora Aunor noong 1982. Isang pelikula na umabot ang tagumpay sa buong mundo, kabilang na ang pagkilala bilang Best Asia-Pacific Film of All Time ng CNN sa 2008 Asia Pacific Screen Awards.
"Ang Himala ay hindi lamang kwento ni Elsa, kundi kwento ng bawat Pilipino. Sa kabila ng mga pagsubok, nandiyan ang pananampalataya at pag-asa," ayon kay Marcos. "Hindi ito basta isang pelikula. Ito ay isang simbolo ng ating lakas at tapang bilang isang bayan."
"Itaguyod natin ang ating mga lokal na filmmaker at ipagmalaki ang mga kwentong tunay na Pilipino--kwento ng buhay, pag-asa, pananampalataya, at pagkakaisa," dagdag pa niya.
Legal Disclaimer:
EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.
