Transcript of interview: Senator Risa Hontiveros on Straight to the Point with Aljo Bendijo on DZXL
August 20, 2024
TRANSCRIPT OF INTERVIEW: Senator Risa Hontiveros on Straight to the Point with Aljo Bendijo on DZXL
Q: Opo, ito na nga. Ang sabi po ng immigration, nakalabas na ng bansa si Mayor Alice Guo na hindi po dumaan sa immigration authorities natin. Baka ito'y dumaan po sa mga private na mga airstrip. At doon po talagang sumakay na chartered plane papunta na ng abroad.
Senator Risa Hontiveros (SRH): Nako, eh kung totoo po yan, ibig sabihin may malaking kakulangan tayo. Yung ating mga agencies, kasama na ang BI, na kailangan mag-step up dahil kahit pa kung tama yung analysis nila sa nasa isang private exit point nag-exit, si Guo Hua Ping o Mayor Alice Guo, aba dapat nandun po yung ating mga awtoridad para ipatupad yung ating mga batas tungkol sa travel. Lalo na kaugnay ng isang taong tulad niya na ilang linggo nang pinaghahanap para ipaharap sa Senado sa bisa ng aming warrant of arrest.
Q: Opo, limitado daw kasi ang trabaho ng immigration pag nasa mga private na mga airstrips ma'am. Hindi sila makakapasok daw. Opo, yun ang sinabi ni Ma'am Dana kanina. Mas maganda siguro kung imbestigahan po ninyo yan.
SRH: Yes. Gagawin po talaga namin yan. Lalo na ang tanong ng marami sa ating mga kababayan ngayon ay nasaan na ba talaga si Guo Hua Ping? Bakit at paano siya nakalabas?
Q: Nasa Indonesia ho daw ma'am. Sabi ng counterpart ng immigration.
SRH: Kung gano'n na nga at inaamin ng BI na hindi nila namo-monitor lahat ng points of entry and exit, dapat pahusayin natin yung pag-exercise nila ng kanilang law enforcement powers dapat na ganyan. Hindi pwedeng manatiling ganito ang sitwasyon. Hindi. Ayusin natin, lalo na't nakita natin ang isang taong pinaghanap dahil sa kanyang connection sa POGO, sa mga POGO related na krimen, sa pagpapanggap bilang Pilipino, kahit siya naman ay isang dayuhang nasyonal, ay nagamit itong kahinaan ng ating border control. Hindi pwedeng manatiling ganyan.
Q: Bakit daw lookout bulletin lang at hindi hold departure order ang meron kay Guo?
SRH: Well tinanong din namin yun sa isang nakaraang hearing. Ang paliwanag naman ng BI at ang ibang executive agencies natin ay dahil wala pang warrant mula sa isang korte. Pero kinilala nila na nakapag-issue na ng warrant ang Senado. Kaya para sa kanila, hindi yan kumbaga normal na sitwasyon na. So at the very least, inilagay nila sa Immigration Lookout Bulletin Order.
And sinabi nila na kumbaga may heightened attention na sila sa paglabas o pagpasok ni Guo Hua Ping. Kaya itong pag amin na hindi nila napansin at hindi nila na-monitor yung paglabas niya, eh hindi rinyan sapat na pag enforce ng ILBO dahil yung ILBO na yan, ibig sabihin kapag nakita o napansin nilang lumabas ang isang taong may Immigration Lookout Bulletin Order, i-inform nila yung ating mga awtoridad. Eh hindi na gawa yun.
Q: Okay. At hindi kaagad na cancel ang kanyang passport, no, ma'am?
SRH: Well yes, oo. Sa kabila ng marami na rin namang prosesong sinimulan laban sa kanya, diba, yung kaso ng DOJ laban kay Guo Hua Ping para sa qualified trafficking in persons, yung sinasagawa ng Office of the Solicitor General, pagkansela ng kanyang irregular birth certificate at yung ongoing na pag kansela ng kanyang citizenship, plus yung mga proseso ng COMELEC laban sa kanya bilang mayor ng Bamban, pati nga yung kaso ng BIR para sa tax evasion, kalahating milyong piso, eh pero hindi na kansela yung kanyang passport.
Kaya nakita po natin dun sa ipinakita kong kahapon sa privilege speech, may dokumento na nagpapatunay na nakapasok nga siya sa Malaysia gamit ang kanyang Philippine passport. So pati yun ay patuloy pa niyang nagamit kahit napatunayan na natin na hindi siya Pilipinong national.
Q: Opo. Senadora, maitanong ko lang. Ano bang mayroong kapangyarihan ng Senado ng Pilipinas kung sakasakaling pwede nating i-hold si Mayor Alice Guo na nandun nga sa Indonesia at mapauwi dito? Opo. Meron ba tayo?
SRH: Yun yung ating patuloy na iimbestigahan. Dahil merong warrant of arrest ang Senado sa kanya o valid exercise ng aming kapangyarihan at in obedience sa aming mga Rules of the Senate. Pero kaya yung concern nga namin nung binunyag ko nga na aba, nakalabas na pala ng Pilipinas itong taong pinaghahanap natin ng Senate Office of the Sergeant at Arms ng NBI, ng ating law enforcement authorities.
Ang tanong siyempre, pati nung ibang mga kasama ko, eh naku, paano na yung ating Senate warrant of arrest? May bisa pa ba yan? Eh ngayong nakita natin na nasa labas siya ng Pilipinas, andun na sa mas malawak na ASEAN region. So, maitatanong, paano ang pwede nating koordinasyon na magagawa sa ibang mga immigration at law enforcement authorities dito na sa rehiyon natin?
Q: Kasi kung nakalabas ito ng bansa talaga si Mayor Alice Guo, malamang, eh nakalabas na rin ng bansa yung mga iba pang mga pinaghahanap po ninyo.
SRH: Actually, eh sinabi nga yan, (boing sound effect) yan talaga yung sound effect, diba? Kasi ginagawa tayong tanga nitong dayuhang ito, no? Sinasaula yung ating mga batas at proseso. So in fact, dun sa impormasyon na nakuha namin sa NBI at dagdag pa sa isa pang source sa labas ng Pilipinas, eh nakipagkita na nga siya sa kanyang mga magulang na sina Lin Wen Yi at Guo Jian Zhong. At kasama niya, kasama ni Guo Hua Ping sa mistulang reunion nilang iyon, sina Wesley Guo na kapatid niya, at yung isa pang pinaghanap na si Cassandra Ong.
So talagang palaki nang palaki yung tanong namin, pati sa ating mga law enforcement agencies dito sa Pilipinas. In fact, sa isang nakaraang hearing, nangako ang BI sa akin at kay Senate President Pro Tempore na hindi nila hahayaan si Guo Hua Ping na makaalis sa Pilipinas. Yun pala ay wala na talaga siya at kasama pa yung ilan sa mga pinaghahahanap.
Q: May mga kasabwat pa siguro, mga tiwaling opisyal ng immigration bureau, ma'am.
SRH: Eh, kaya nga naitanong ko sa pag-raise ko ng question of privilege kahapon, sino ang may kagagawan nito? Kasi hindi makakaalis siya si Guo Hua Ping o si Alice Guo kung walang tumulong sa kanya na mga opisyales din ng ating pamahalaan. So para tayong ginisa sa sarili nating mantika niyan.
Q: Yung mga hinala ng iba, baka sumakay daw ito ng chartered flight ng eroplano tapos domestic lang. Domestic. Biglang liko, pumunta na ng abroad. Kasi pag domestic daw, hindi nache check agad yan ng immigration except international flights.
SRH: So yun yung isang line of questioning din po namin. Ano yung ruta at mga transportasyon na ginamit niya para makaiwas sa atensyon ng mga awtoridad at makatakas nga sa bansa. Eh, sa kabila nung pangakong iyon ng BI sa amin ni Senate President Pro Temp noon, ngayon maitatanong ang law enforcement ba natin mismo ang kailangang imbestigahan? Kasi what if they dropped the ball? At lalo na paano kung sila ang dapat managot?
Q: Kumusta na po ang mga POGO sa bansa ngayon, senator? Kaya bang maipasara lahat nang ito sa katapusan ng taon?
SRH: Kaya dapat. At kakayanin kung seseryosohin ng gobyerno. Kasi yung ban, total ban na in-announce ni Presidente nung SONA niya para mag-wind down, ipa-wind down lahat yan hanggang December 31 at simulan na ngayon yung pagbuo ng just transition na tinatawag namin o paghahanap ng alternatibong trabaho at hanapbuhay sa mga kababayan nating nagtrabaho doon.
Eh nung pinakahuling hearing so far sinabi ni PAGCOR Chair Tengco kinabukasan sisimulan na ang kanilang series of meetings sa iba't ibang ahensya. Para sundin yang utos na yan na nakapaloob sa SONA. The next day, imi meet daw nila ang DOLE.
Tapos sabi nila, sagot sa ilang mga tanong namin, pati yung mga special economic zones ay covered. Yung mga nagpapatakbo ng POGO operations sa loob nila, maba-ban din. Pati yung isang nauna pa sa mga POGO, yung CEZA, ay pag-aaralan nila paano sa kabila ng charter daw ng economic zone authority na iyan at patiyan, ma ban ang POGO at POGO like operations. Ano mang pangalan yan, POGO man yan, IGL man yan, o iGaming na tinawag dati sa CEZA, dapat ban lahat yan.
Kumbaga nasa oversight mode kami ngayon sa Senado na siguruhing gagawin iyan. Dahil malaking tagumpay na iyan nating mga mamamayan.
Q: Kausap ko kanina pala ang abogado ni Mayor Alice Gose, si Atty. David, at sinasabing nasa Pilipinas pa nga daw si Guo.
SRH: Talaga ha? Ewan ko na lang kasi hindi na lang mga Philippine authorities ang nagsasabi na wala na siya dito. Pati yung mga counterparts nila ay nagkakoraborate sa sinasabi ng NBI at iba pang ahensya natin na nasa labas na siya. Kung totoo man yung sinasabi ng attorney niya, aba, parang mas masahol pa yun. Nakakalabas-masok siya dito sa atin na parang iniinsulto lang yung ating Senate warrant at yung paghahanap sa kanya ng ating mga awtoridad.
Q: So ano pong susunod na hakbang ng Senado po dito sa kaso ni Mayor Alice Guo, ma'am?
SRH: So meron pa kaming ilang mga hearing, siguro mga dalawa o tatlo, bago maisara na namin ang aming apat na taon ng imbestigasyon laban sa POGO. So itong
latest twist and turn sa saga ni Guo Hua Ping sa Pilipinas, talagang maghone-in kami sa paano siya nakalabas at sino-sino ang may sala dito, sino-sino ang may kapabayaan dito at paano na natin posibleng in coordination sa mga law enforcement authorities sa ibang mga bansa dito sa ASEAN mapa-epekto ang arrest warrant ng Senado.
And then siguro ilan pang mga tanong sa ilan pang mga personalidad na lumabas sa aming imbestigasyon so far. Nandyan si dating Secretary Harry Roque, andyan yung kapatid ni Michael Yang, nabubuksan tuloy, pati ba si Michael Yang at pati yung kanyang, kung kanina siya naging economic advisor noon si Duterte ay matutumpok ng aming imbestigasyon.
Na-excite tuloy kami, yung nabitin ba naming investigasyon sa Pharmally, eh dahil ngayon lumalabas yung parehong cast of characters dito naman sa POGO, dito ba sa POGO investigation namin makukompleto iyan?
Q: Ano pong plano ng oposisyon sa 2025 elections, maiba po ako Senator Risa? Meron pong nilabas, napanood ko yun, yung mini video with Diokno, with Bam Aquino and Kiko Pangilinan, na para bang may line ka na sinasabing samahan niyo ako sa Senado. Kayo ba'y tatakbo uli, ma'am?
SRH: Ay ako hindi po. Hindi po. Ako ay incumbent next year.
Q: Okay. Okay. Okay.
SRH: Pero totoo yung sinabi namin diyan sa paunang digital video na yan. Kailangan ko ng kasama. At silang tatlo ay totoong mga independent, may credentials, may track record, may ambag na sa ating bansa. So sila sana ang dapat na makasama ko. Eh umaarangkada na po ang oposisyon para sa 2025. At buong suporta ako para kina Atty. Chel, Senator Kiko at Senator Bam.
Sa tingin ko po, they are the best people for the job. Si Sen. Bam na nagsulong ng libreng college tuition. Si Sen. Kiko na walang sawang pagsuporta sa ating magsasaka. At si Atty. Chel na napakatagal nang tumutulong bilang abogado ng mga Pilipinong naghahanap ng hustisya.
Q: Meron pa pala kayong four years
SRH: Meron pa naman.
Q: Aside from them, sino pa ang ibang magiging kalyado? Trillanes ba? Luke Espiritu? May lumalabas na mga pangalan?
SRH: Meron nga. Well, meron pa naman tayong mga dalawang buwan hanggang filing ng Certificate of Candidacy nila. And pagkatapos nun, yung seryosong pag-uusap siguro sa pagitan ng ilan sa kanila kung pwede silang magsanib-pwersa. So abangan po natin at magiging hindi lang exciting pero importante iyan para sa ating kinabukasan.
Q: Anong partido daw tatakbuhan ni na Bam Aquino, Kiko and Diokno?
SRH: May kanilang silang mga partido. Si Sen. Kiko ay miyembro at opisyal ng LP. Samantala si Sen. Bam at Atty. Chel ay mga lider at miyembro ng KNP.
Q: Ano pong status ng LP, ma'am? Liberal Party?
SRH: Kailangan sila ang tanungin ninyo. Dahil kami ay mga magkaalyado. Ako naman sa Akbayan.
Q: Okay. Possible coalitions kaya?
SRH: Well, yun yung posibleng nagse-shape up talaga dahil ngayon pa lang nagtutulong-tulungan na kami at ako nga gaya nang sinabi ko kanina ay full support. Nagtutulong-tulungan na kami para sa paghahanda para sa napaka-importanting prosesong iyan.
Q: Nasa Pilipinas pa ba si Quiboloy ma'am?
SRH: Yun, ang kutob nang mas marami, andito pa daw siya. So isa pa yang paghahanap, paghabol sa pugante tulad kay Guo Hua Ping, ito naman kay Apollo Quiboloy, na inaasahan ko pa rin na makukuha din siya ng mga awtoridad natin. Eh kung hindi man, iintayin pa ba niya na yung mga kaso laban sa kanya sa US? Or kung malagay siya sa Red List ng Interpol? Ibig sabihin hindi lang yung atin, kundi yung iba pang mga law enforcement authorities ang maghahabol sa kanya.
Q: Okay. Sa PUV modernization, maiba po ako Senator, pumirma ka ba sa reso o hindi? Dahil may sabi po si may pahayag si Senator Koko na pumirma siya late lang pero may luwa ba sa statement niya na hindi siya talaga pumirma? Ano ba talaga stand mo?
SRH: Well, kayang-kayang naman ng Minority Leader ko magsalita para sa sarili niya. Pero ako naman, talagang nahuli ako sa pagpirma sa reso. Pero kinausap ko naman si Chair Raffy na kalaunan pipirma din naman ako sa reso, pagkatapos i-interpellate at magpanukala ng dalawang proposed amendments.
Yung una, na yung karamihan ng mga jeepney drivers at operators natin, umaabot na sa 83 percent ha, na sumali na sa modernization program. Umutang na para sumunod sa programa ng gobyerno. Nagsimula na ngang i-disassemble na yung kanilang mga lumang jeep na huwag sana naman silang madehado. Diba? Kung ipo-postpone ulit ang PUV modernization.
At yung pangalawang amyenda ko na sanang ipapasok ay yung para sa ikabubuti din ang ating mga pasahero na yung jeepney modernization program, dapat may ganansya din sila. So yan, pag naipasok na yung dalawang amyandang iyon, ay pipirmahan ko rin naman na yung reso.
Legal Disclaimer:
EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.
